Nagbabala ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) sa publiko hinggil sa kumakalat na pekeng impormasyon sa text o online messages na ipinadadala ng mga scammers gamit ang pangalan ng PHLPost at logo nito gayundin sa ibang delivery services.

Ayon sa PHLPost, may natatanggap silang mga mensahe o notices via text/email at online na nagsasabing meron silang sulat o pakete na hindi pa nai-dedeliver dahil sa maling address at kinakailangan na i-update ang naturang address at  magbayad ng kaukulang halaga ng P17.05. Ang mensahe ay naglalaman ng pekeng website ng PHLPost na hindi pag-aari ng ahensya.

Pinayuhan ni Postmaster General Luis D. Carlos ang publiko na huwag pansinin ang mga  ganitong “fake delivery messages” o makipag-transact upang hindi makumpromiso ang kanilang mga personal at sensitibong mga data o financial information.

“Kadalasan ang mga scammers’ ay nagpapanggap na isang lehitimong kumpanya, o indibidwal na nagpapadala ng SMS (short messaging service) sa pamamagitan ng online messages, calls, at iba pang modus.  Kami po ay paulit ulit na nagpapaalala sa publiko na huwag silang mag-reply o tumugon sa mga pekeng mensahe at huwag i-click ang anumang online link na kalaunan ay mapipinsala ang kanilang mga confidential na data”, dagdag pa ni PMG Carlos.

Sa kagustuhan ng makapangloko ang ganitong uri ng grupo o indibidual, sa pamamagitan ng mensahe, magbibigay sila ng impormasyon na may lamang pananakot upang mataranta ang biktima at agad na i-click ang link o yung tinatawag na “clickbait” scam.

Nais ipaalam ng PHLPost na kailanman ay hindi sila magbibigay ng mga mensahe ng pananakot sa kanilang mga kliyente at pinayuhan nito ang publiko na maging mapagbantay sa ganitong mga uri ng scam.

Inabisuhan ng PHLPost ang publiko na kung meron silang inaantay na sulat o parsela, ay mangyari na i-verify ito sa kanilang customer service hotline number (02) 8288-7678 o mag-email sa phlpostcares@phlpost.gov.ph at bisitahin din ang kanilang website na www.phlpost.gov.ph para sa iba pang impormasyon mula sa tanggapan.

 

 

 

Republic of the Philippines
All content is in the public domain unless otherwise stated.
ABOUT GOVPH
Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.