Lumagda ang VISA at Philippine Postal Corporation (PHLPost) na naglalayong palawakin ang access sa serbisyong pinansyal para sa mga Pilipino, lalo na sa mga nasa laylayan tulad ng mga komunidad sa kanayunan gamit ang Postal ID.
Sa ilalim ng kasunduang ito, gagamitin ng Visa ang makabago nitong teknolohiya sa digital na pagbabayad pati na rin ang pandaigdigang network nito gamit ang mga Postal ID upang makatulong sa PHLPost sa modernisasyon at pagpapalawak ng serbisyong pinansyal nito.
Kabilang dito ang pagproseso ng mga padala at money order para sa mga overseas Filipino workers (OFWs), pati na rin ang pamamahagi ng subsidiya sa pangangalagang pangkalusugan, bayad para sa social welfare, at tulong sa panahon ng sakuna.
Bukod dito, magsasagawa rin ang Visa at PHLPost ng mga inisyatibo upang mapahusay ang kaalaman sa negosyo at pananalapi ng mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs). Magbabahaginan din sila ng pinakamahuhusay na pamamaraan upang gawing mas madali, ligtas, at abot-kamay ang mga transaksyong pinansyal.
Nananatiling tapat ang PHLPost sa pagbibigay ng mahalagang serbisyo sa koreo at pananalapi para sa mga Pilipino, lalo na sa mga nasa malalayong lugar at mga Pilipino sa ibang bansa. Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Visa, layunin ng PHLPost na mapahusay ang mga serbisyong pinansyal nito sa pamamagitan ng pagsasama ng mga digital na solusyon sa pagbabayad, pagpapabuti ng kahusayan sa mga transaksyon, at pagtitiyak ng mas mataas na seguridad para sa mga kliyente sa ilalim ng mabuting pamamahala. Sa modernisasyon ng kanilang serbisyo, nais ng PHLPost na isara ang agwat sa pananalapi para sa mga komunidad na umaasa sa malawak nitong network sa buong bansa.
Copyright © 2025 Philippine Postal Corporation