Nakamit ng Pilipinas ang isang tagumpay matapos umangat sa Level 5 sa Integrated Index for Postal Development (2IPD) ng Universal Postal Union (UPU). Sa pandaigdigang ranggo, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may mataas na antas ng postal development, habang nasa pang-10 na pwesto naman ang Japan bilang pinakamataas. Ang pagkilalang ito ay patunay ng patuloy na pagsusumikap ng bansa na pagbutihin ang serbisyo ng koreo, na nakatuon good governance at pagpapalakas ng konektibidad sa buong bansa, mula sa pagiging Level 4 lamang noong 2022 at 2023.

Ang anunsyo ay ginawa sa Asian-Pacific Postal Leaders Forum sa Jaipur, India, na inisponsor ng UPU, APPU, Pamahalaan ng India, at India Post.

Ang 2IPD ranking, na inilalabas ng UPU, ay sumusukat sa kakayahan ng postal services sa buong mundo gamit ang apat na sukatan gaya ng reliability (kahusayan), reach (saklaw), relevance (kaugnayan), at resilience (katatagan). Ang pag-angat ng Pilipinas ay bunga ng mga initiatives ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) upang gawing moderno at mas efficient ang mga serbisyo nito, alinsunod sa pandaigdigang pamantayan habang pinapahalagahan ang mabuting pamamahala at transparency.

Ayon kay Postmaster General at CEO Luis D. Carlos, “ang pag-angat ng Pilipinas sa Level 5 ay isang patunay ng pagsisikap ng PHLPost na patuloy na pagandahin ang kanilang serbisyo. Noong 2023, nasa Level 4 lamang ang bansa, at itinakda niyang layunin natin maabot ang Level 6 bago matapos ang termino ni Pangulong Bongbong Marcos. Kaya naman, ang pag-angat ng isang antas sa loob lamang ng isang taon ay isang malaking tagumpay. Pinasalamatan niya ang mga Assistant Postmaster Generals, Area Directors, Board of Directors, at lahat ng empleyado ng PHLPost na patuloy na nagsisikap upang mapabuti ang serbisyo ng koreo sa Pilipinas.”

 


Nakipagtulungan din ang PHLPost sa mga pandaigdigang katuwang upang mapalakas ang kahusayan ng operasyon nito. Halimbawa, bumisita sa PHLPost ang mga kinatawan mula sa Ministry of Internal Affairs and Communications ng Japan upang magbigay ng rekomendasyon sa pagpapahusay ng mail operations. Ang 2IPD score ng Pilipinas ay binubuo ng mga sumusunod: Reliability (56.2), Reach (70.1), Relevance (1.6), at Resilience (71.7), na may kabuuang iskor na 43.9.

Ang scorecard na ito ay batay sa International Quality of Service (IQRS) system, isang sistema ng pagsusuri na sumusukat sa kahusayan at pagiging maaasahan ng postal services. Saklaw nito ang on-time delivery o pagsunod sa itinakdang transit time para sa international mail, end-to-end tracking, katumpakan ng datos, at pagsunod sa mga operational compliance.

Isa sa mga pangunahing dahilan ng pag-angat ng ranggo ng Pilipinas ay ang pagpapahusay ng mail at parcel delivery system pati na rin ang pagpapalawak ng pakikipagtulungan sa mga e-commerce platforms. Dahil dito, mas mabilis at abot-kaya na ang serbisyo ng PHLPost, na may 40% na mas mababang presyo sa domestic at international express mail delivery kumpara sa mga nangungunang courier sa bansa.
Bukod sa teknikal na aspeto ng serbisyo, pinalalakas din ng PHLPost ang good governance at transparency sa pamamagitan ng mahigpit na accountability measures, pagsunod sa etikal na pamamaraan, at pagpapalakas ng tiwala ng publiko sa kanilang serbisyo. Sa patuloy nitong pagsisikap na maging mas episyente at makabago, nananatiling layunin ng PHLPost na gawing mas mabilis, abot-kaya, at maaasahan ang serbisyo ng koreo para sa bawat Pilipino.

Republic of the Philippines
All content is in the public domain unless otherwise stated.
ABOUT GOVPH
Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.