PHLPost Stamps sa ika-25 Anibersaryo ng City of Candon inilunsad
Sa pangunguna ni Postmaster General at CEO Luis D. Carlos, inilunsad ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang Commemorative Stamps bilang selebrasyon ng ika- 25 taong Anibersaryo ng City of Candon sa lalawigan ng Ilocos Sur.
Tampok sa selyo ng PHLPost ang makasaysayang Cry of Candon gayundin ang pagpupugay sa kabayanihan ni Don Isabelo Abaya, kaakibat ang Candon City Hymn, na nilikha ni Gng. Minerva Dario Singson at Candanino Gaerlan.
Ang Cry of Candon ay isang matagumpay na pagaalsa laban sa mga mananakop na kastila ay pinangunahan ni Don Isabelo Abaya sa loob ng kumbento, nagsilbi bilang isang testamento ng katapangan at pagiging makabayan ng mamamayan ng Candon.
Ang selebrasyon ay dinaluhan ni Mayor Eric D. Singson at Deputy Speaker of the House of Representatives, Hon. Kristine Singson Meehan, na nangakong ipagpapatuloy ang suporta sa kaunlaran ng Candon City sa mga darating na panahon. Naroroon din sa selebrasyon ang presensya ng Boy Scouts of the Philippines at mga opisyal at kawani ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan ng Candon City.
Ayon kay Postmaster General Luis D. Carlos, “Ang selyo ng PHLPost ay hindi lamang maliliit na papel, ito rin ay sumasalamin sa makulay at mayabong na kasaysayan ng Lungsod ng Candon. Sa bawat selyong lilipad sa iba’t ibang panig ng bansa at mundo, bitbit nito ang kwento ng kasaysayan ng pagsisikap, pagkakaisa, at pagmamahal sa lungsod.”
Dagdag pa niya, “Nawa’y magsilbing inspirasyon sa lahat, lalo na sa ating mga kababayan, na ipagpatuloy natin ang pagsusumikap para sa isang mas maunlad, mas progresibo, at mas matatag na Candon. Bilang pagtatapos, nais kong ipabatid na palaging nandito ang PHLPost upang suportahan ang pag-unlad ng inyong bayan”.