Pormal na inilunsad ng Philippine Postal Corporation (PHLPost), katuwang ang Department of Foreign Affairs (DFA), ang UN80 Commemorative Stamps sa isang makasaysayang seremonya na ginanap sa Old Senate Hall ng National Museum of Fine Arts sa Maynila. Layunin ng paglalathala ng selyo na gunitain ang ika-80 anibersaryo ng pagiging kasapi ng Pilipinas sa United Nations (UN), at ipagdiwang ang patuloy nitong pagtataguyod ng multilateral na kooperasyon, kapayapaan, at pag-unlad.

May temang “The Philippines’ 80 Years in the United Nations: A Journey of Hope & Endeavor,” tampok sa commemorative stamp issue ang mahalagang papel at kontribusyon ng Pilipinas sa UN simula nang ito’y maging isa sa mga founding signatories ng UN Charter noong Hunyo 26, 1945.

Dumalo sa okasyon si DFA Assistant Secretary Maria Teresa T. Almojuela, na binigyang-diin ang kahalagahan ng mga selyo bilang makasaysayang simbolo ng pambansang pagkakakilanlan at internasyonal na ugnayan. Nagbigay naman ng keynote address si Foreign Affairs Secretary Enrique A. Manalo na tinalakay ang kasaysayan at pag-unlad ng papel ng Pilipinas sa UN sa loob ng walumpung taon.

Nagbahagi rin ng makasaysayang perspektibo si G. Ian Christopher B. Alfonso, isang public historian. Sinundan ito ng espesyal na mensahe mula kay DFA Undersecretary Charles C. Jose na nakatuon sa multilateralismo at pandaigdigang pakikipagtulungan. Nagbigay rin ng mensahe si Mr. Arnaud Peral, ang UN Resident Coordinator, bilang pagpapatibay sa matibay at patuloy na ugnayan ng UN at Pilipinas.

Ayon kay Postmaster General at CEO Luis D. Carlos, “Ang paglulunsad ng UN80 stamps ay isang makapangyarihang paalala na ang maliliit na bagay ay maaaring maglaman ng malalaking kahulugan. Simbolo ito ng mga dekadang pagtutulungan, adbokasiya, at sama-samang pangako sa kapayapaan, kaunlaran, at pandaigdigang pagkakaisa.”

Ibinahagi rin ni G. Marthy Angue, ang artist at designer ng UN80 stamp set, ang inspirasyon at disenyo ng selyo na nagsisilbing biswal na paglalahad ng kasaysayan ng kooperasyon at mga kolektibong mithiin.

Nagtapos ang programa sa pormal na pagbubunyag at seremonyal na turnover ng mga commemorative stamps.

Ang UN80 Commemorative Stamps ay opisyal na ilalabas sa Hunyo 26, 2025, at magiging available sa piling post office sa buong bansa. Binubuo ito ng isang setenant design na nagkakahalaga ng Php 16.00 at isang Official First Day Cover na may halagang Php 18.00.

Ang paglalathalang ito ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng PHLPost na panatilihin ang alaala ng kasaysayan at pambansang pamana sa pamamagitan ng philately, at hikayatin ang kamalayan ng publiko sa mahalagang papel ng Pilipinas sa pandaigdigang usapin.

Republic of the Philippines
All content is in the public domain unless otherwise stated.
ABOUT GOVPH
Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.