OLONGAPO CITY- Napakinabangan ng mga mamimili noong nakaraang Mahal na Araw, ang murang mga produktong itininda tulad ng dried fish, gulay, prutas at maging mga salted egg na may turmeric flavor ang “Kadiwa Pop Up Store”- ng PHLPost Olongapo City Post Office.
Dumalo sa isinagawang pagbubukas ng “Kadiwa Pop Up Store” sina PHLPost Northwest Luzon Area 2 Director Merma Abalos, City Agriculturist Francis Maniago , Olongapo City Post Office Postmaster-II Virginia S. Salang at Eugenio S. Patawaran – Marketing Specialist ng Department of Agriculture.
Dumating din ang iba’t ibang grupo ng mga magsasaka at mga SMEs sa isinagawang Kadiwa Pop Up Store ng PHLPost Olongapo at Department of Agriculture. Maaga pa lamang ay napuno na ang lugar upang samantalahin ang mga murang paninda pantawid sa pang-araw araw na pangangailangan.
Bilang isang government logistics at courier provider, layunin ng PHLPost na maging katuwang ng mga magsasaka at mga SMEs sa rehiyon at probinsya sa bansa upang maghatid ng mga produkto na binebenta ng mura mula sa mga sakahan patungo sa proyektong Kadiwa ng pamahalaan.
“ Nakatutuwa na maging bahagi ang PHLPost sa isinusulong ng Department of Agriculture at ng administrasyon ng ating mahal na pangulong BBM tulad nitong Kadiwa Pop Up store na patuloy na tinatangkilik ng mga lokal na mamimili dito sa ating Post Office Area”, pahayag ni PHLPost Postmaster General Luis D. Carlos.
Nais ng PHLPost na maghatid hindi lamang ng mga sulat at pakete, kundi ng mga produkto at serbisyo mula sa mga magsasaka upang mapakinabangan ng ating mga kababayan.
Hindi lamang sa Olongapo City at Northern Luzon, isasagawa rin ang naturang aktibidad sa iba’t ibang lugar at sulok ng bansa na maaabot ng Kadiwa Pop Up Store ng PHLPost”.