Sa tulong ng bansang India, sa pamamagitan ng Department of Posts at ng Asian-Pacific Postal Union (APPU), matagumpay na isinagawa ang External Capacity Building Program sa limampung (50) postmasters kabilang ang higi’t kumulang na walumpung (80) online participants mula Abril 23-25 2025, na ginanap sa Arden Hills, Quezon City.
Ang bansang India, isa sa pangunahing ka-partner ng APPU, ay tumutulong sa mga bansa kabilang ang Pilipinas sa pamamagitan ng mga training, infrastructure development at iba pang inisyatibo upang mapahusay ang serbisyo postal.
Ang tatlong-araw na aktibidad na dinaluhan ng mga postal managers ay nagbigay ng mahalagang pananaw upang pagandahin at paunlarin ang “operational efficiency” at leadership capabilities sa sektor ng postal.
Pangunahin sa tinalakay ay ang paksa na “Best Practices in Managing Post Office”, na pinangasiwaan ni Mr. Anucha Soonglertsongpha at Mr. Sandeep Kunnathodi Puthanveedu (Sandeep KP), dalawa sa ipinadala na lecturer mula sa APPC.
Mas lalong naging makabuluhan ang pagsasanay sa naging presensya ni Dr. Vinaya Prakash Singh, Secretary General ng Asian-Pacific Postal Union (APPU), upang magbigay ng mensahe sa kahalagahan ng postal modernization sa rehiyon ng Asia-Pacific at mapaunlad ang kasanayan ng mga kawani sa pag-unlad ng koreo.
Sa pamamagitan ng “expert-led training”, collaborative discussions, at practical case studies, layunin ng programa na mabigyan ng kasanayan ang mga postmasters na makasabay sa mga makabagong kaalaman at kagamitan sa sistema sa serbisyo postal sa buong mundo upang makaagapay sa pangangailangan ng mga kustomers.
“Malaki ang magiging kabawasan sa gastusin ng PHLPost ang ganitong uri ng pagsasanay na karaniwan ay ginagawa sa ibang bansa tulad ng gastusin sa travel at accommodation”, Postmaster General Luis D. Carlos said.
Dagdag pa ni PMG Carlos, “Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng ating mga International partners, kasama din sa tulong nilang ang pagpapadala ng mga foreign lecturers upang magbigay ng kanilang mga kaalaman, kasanayan at karanasan na mai-tratransfer sa ating mga kawani sa pamamagitan ng workshops at training sessions”.
Ayon kay Postmaster General Luis D. Carlos, “ikinararangal ng PHLPost na maging bahagi ito at kanilang mga kawani sa programa ng mga eksperto at trainors mula sa APPU na magbigay ng mga kaalaman at kasanayan sa post office management, Customer Relationship Management, Digital Transformation ng postal operations upang makamit nito ang operational excellence”.