Lumagda ang VISA at Philippine Postal Corporation (PHLPost) na naglalayong palawakin ang access sa serbisyong pinansyal para sa mga Pilipino, lalo na sa mga nasa laylayan tulad ng mga komunidad sa kanayunan gamit ang Postal ID.
Sa ilalim ng kasunduang ito, gagamitin ng Visa ang makabago nitong teknolohiya sa digital na pagbabayad pati na rin ang pandaigdigang network nito gamit ang mga Postal ID upang makatulong sa PHLPost sa modernisasyon at pagpapalawak ng serbisyong pinansyal nito.
Kabilang dito ang pagproseso ng mga padala at money order para sa mga overseas Filipino workers (OFWs), pati na rin ang pamamahagi ng subsidiya sa pangangalagang pangkalusugan, bayad para sa social welfare, at tulong sa panahon ng sakuna.

Bukod dito, magsasagawa rin ang Visa at PHLPost ng mga inisyatibo upang mapahusay ang kaalaman sa negosyo at pananalapi ng mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs). Magbabahaginan din sila ng pinakamahuhusay na pamamaraan upang gawing mas madali, ligtas, at abot-kamay ang mga transaksyong pinansyal.

Ayon kay Carlos, “Lubos naming kinikilala ang sakripisyo ng ating mga OFWs—sila ang ating mga ‘Bagong Bayani’ at ang gulugod ng maraming pamilyang Pilipino. Sila ay nagsisikap, tinitiis ang pangungulila, at gumagawa ng napakaraming sakripisyo upang maitaguyod ang mas magandang kinabukasan para sa kanilang mga mahal sa buhay. Mula sa pagbabayad ng upa at mga bayarin hanggang sa pagpapaaral ng kanilang mga anak, ang kanilang ambag ay nagsisilbing pundasyon ng pangarap ng maraming pamilyang Pilipino. Sa pamamagitan ng proyektong ito, nais naming pagaanin ang kanilang pasanin sa pamamagitan ng pagpapadali ng mga transaksyong pinansyal at pagpapababa ng halaga ng remittance, upang masigurong natatanggap nila ang suporta at pagkilala na tunay nilang nararapat.”

Nananatiling tapat ang PHLPost sa pagbibigay ng mahalagang serbisyo sa koreo at pananalapi para sa mga Pilipino, lalo na sa mga nasa malalayong lugar at mga Pilipino sa ibang bansa. Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Visa, layunin ng PHLPost na mapahusay ang mga serbisyong pinansyal nito sa pamamagitan ng pagsasama ng mga digital na solusyon sa pagbabayad, pagpapabuti ng kahusayan sa mga transaksyon, at pagtitiyak ng mas mataas na seguridad para sa mga kliyente sa ilalim ng mabuting pamamahala. Sa modernisasyon ng kanilang serbisyo, nais ng PHLPost na isara ang agwat sa pananalapi para sa mga komunidad na umaasa sa malawak nitong network sa buong bansa.

Republic of the Philippines
All content is in the public domain unless otherwise stated.
ABOUT GOVPH
Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.